KARAGDAGANG 19 PERMANENT EMPLOYEES NG MOTC-BARMM, NANUMPA SA KANILANG TUNGKULIN BILANG MGA PUBLIC SERVANT

 
Matapos ang masusing proseso at malalimang pagkilatis, itinalaga at nanumpa sa kanilang tungkulin ang 19 permanent employees ng Ministry of Transportation and Communication o MOTC-BARMM.
 
Ang panunumpa sa tungkulin, ayon kay MOTC-BARMM Legal Affairs Division Chief Atty. Roslainie Macao- Maniri, ay ginawa mismo ng mga empleyado sa tanggapan at ito’y pinangunahan ni MOTC-BARMM Minister Dickson Hermoso katuwang si Deputy Minister Abunawas “Von Alhaq” Maslamama.
 
Sinabi ni Atty.Maniri na ang ginawang oathtaking ceremony ay alinsunod sa Philippine Civil Service Code.
 
Sa naturang seremonya, pinaalalahanan ni Minister Hermoso ang mga naturang empleyado na dapat serbisyong pampubliko ang laging mananaig at ang pagiging matapat sa tungkulin ang dapat gawin upang lalo pang mapabuti ang kalagayan ng tanggapan.
Idinagdag naman ni Deputy Minister Maslamama na dapat laging isaisip na ang lahat ng ginagawa na kabutihan ay may kaakibat na blessing mula kay Allah(s.w.t.).
 
Pinasalamatan naman ni Minister Hermoso ang lahat ng mga empleyado na patuloy na sumusuporta sa moral governance na isinusulong ng BARMM government sa pangunguna ni BARMM Chief Minister Ahod Balawag Ibrahim.
 
Maliban pa sa pagtalima sa Philippine Civil Service Code, sinabi pa ni Minister Hermoso na ito’y kanilang pangakong hindi napako sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapagbuti ang mga tanggapang nakapaloob sa BARMM.
 
Matatandaang nauna ng nanumpa ang 15 empleyado at isinabay sa blessing ceremony ng kauna-unahang behikulo ng MOTC-BARMM.