FIRST BATCH NG MGA EMPLEYADO NG MGA KEY POSITION NG MOTC-BARMM; NANUMPA NA SA KANILANG MGA TUNGKULIN

Dahil na rin sa maraming pagbabagong nagaganap sa Ministry of Transportation and Communication ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o MOTC-BARMM, sa kauna-unahang pagkakataon, nagsagawa ito ng Oath Taking Ceremony sa first batch ng newly appointed employees.
 
Ito’y sa pangunguna ni MOTC-BARMM Minister Dickson Hermoso katuwang si Deputy Minister Abunawas Maslamama at iba pang empleyado ng nasabing tanggapan.
Ayon kay MOTC-BARMM Legal Affairs Division Chief Atty. Roslainie Macao- Maniri, nagagalak sila sapagkat napunan na ang 15 pangunahing posisyong kinakailangan para mapatakbo ng mas maaayos ang kanilang tanggapan na siya namang isinusulong ni Minister Hermoso.
 
Sa 15 nanumpang mga empleyado, 11 rito’y mga permanent ang employment status at apat naman ang co-terminus.
Sinabi pa ni Atty. Maniri na inaasahang madagdagan pa ang mga empleyadong maitatalaga sa iba pang mga permanent position dahil sa kabuuan, may natitira pang 228 permanent position na hinihintay na lamang ang panunumpa ng naitalagang kwalipikadong indibidwal na dumaan rin sa selection board ng MOTC-BARMM.
 
Kaugnay nito, pinaalalahanan naman ni Minister Hermoso ang mga naturang empleyado na laging isaisip na ang pagtatrabaho sa gobyerno ay pagsisilbi sa ikabubuti ng tanggapan at mamamayan.
Sinang-ayunan naman ito ni Deputy Minister Maslamama sa pagsasabing:”ang tagumpay ng bawat isa ay dahilan ng pagsisikap higit sa ano pa man”.
 
Ang nasabing oath taking ceremony ay dinaluhan ni Assistant Executive Secretary Abdullah Cusain ng Office of the Chief Minister-BARMM.